Ang Aming Gagawin para sa #IFD

Gaya ng nabanggit na namin noong nakaraang buwan, ang OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) ay maghahanda ulit ng mga kaganapan para sa International Fanworks Day ngayong taon.

Ipagdiriwang namin sa ika-15 ng Pebrero ang International Fanworks Day sa lahat ng timezone. Nakalista sa ibaba ang ilan sa mga kaganapang tatangkilikin ng OTW, ngunit nais din naming malaman mula sa inyo, sa pamamagitan ng mga komentaryo, ang iba pang mga kaganapan at aktibidad na inyong nalalaman upang lalo naming mapalaganap ang mga ito.

  1. Pista ng Pagbigay-Tugon: Gusto ng lahat ng lumilikha at nagbabahagi ng mga hangang-katha na makarinig mula sa mga taong nasiyahan dito, kaya magkakaroon kami ng Pista ng Pagbigay-Tugon upang ipagdiwang ang mga hangang-kathang ating minamahal. Makilahok sa pamamagitan ng pag-iwan ng komentaryo sa aming paskil para sa Pista ng Pagbigay-Tugon mula sa ika-13 hanggang sa ika-16 ng Pebrero. Maaaring direktang ipaskil doon ng inyong mga rekomendasyon o kaya’y magbigay ng kawing kung saan naipaskil niyo na ito sa kung saanman at gamitin ang hashtag #IFDFest. Ibahagi kung bakit mahilig ka sa mga hangang-katha habang hinihimok mo rin ang iba na mag-iwan ng kanilang sariling tugon!

  2. Hamon para sa maiikling hangang-katha: Ilabas ang iyong tablet, laptop, o phone at lumikha ng maikling hangang-katha tungkol sa mga sumusunod na paksa:

    Sa aling mga bagay nagpapaka-“fannish” ang iyong paboritong tauhan o tambalan? Halimbawa:

    • Anong mangyayari kapag ang mga miyembro ng koponan ng Samwell Men’s Hockey ay nagbihis bilang mga tauhan ng Yuri on Ice para sa isang paligsahan ng group costume?
    • Palihim bang nagsusulat sina Brendon at Dallon ng Panic! at the Disco ng hangang-katha para sa Rogue One sa AO3?
    • Kung ang mga tauhan ng Homestuck ay nalipat sa mundo ng Dragon Age, anong mga kanta ang maisusulat ni Leliana tungkol sa kanila?

    Ipaskil ang iyong haiku, drabble, drawble, maikling vid, audio, at iba pa ngayong linggo at i-tag ito gamit ang #IFDShare sa tumblr, Facebook, Dreamwidth, o kung saanman. At kung ipapaskil mo ito sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan), gamitin ang tag na “International Fanworks Day 2017”.

    Panatilihin itong ligtas para sa trabaho (“Safe for work”), at ipalaganap namin ang iyong gawa!

  3. Aktibismong Pang-Tagahanga: Ang Komite ng Batasan ng OTW ay matagal nang nagtatrabaho upang protektahan ang mga hangang-katha. Para sa IFD ngayong taon, nag-alok sila ng bagong “twist” sa aming hamon para sa fanwork flash. Lumikha ng maikling hangang-katha (isang drabble, kanta, paninging-sining, palaisipan, laro, gif, maikling vid, atbp.) kung saan ang “fair use” ang fandom. Ibahagi ito sa inyong mga plataporma online gamit ang hashtag na #IFDShare – hahanapin din namin ang mga ito para ipalaganap!

  4. Ang Kahulugan ng mga Hangang-Katha Para Sa Akin: Noong nakaraang buwan, kami’y nagpadala ng isang tawag para sa mga sanaysay tungkol sa kahulugan ng mga hangang-katha para sa inyo. Ang ilan sa mga sanaysay na iyon ay naibahagi sa OTW News noong ika-5 ng Pebrero. Pero kung hindi mo naabutan ang pagkakataon para makilahok, alamin na ang #IFDShare ay para rin sa meta! Ipaalam sa mga tao kung ano ang iyong nararamdam at tumulong sa pagpapalaganap ng mga pagdiriwang para sa International Fanworks Day.

  5. Mga Palaro at Fan Chat: Sa ika-15 ng Pebrero, gagawa kami ng chat sa chatroom ng Pampublikong Diskusyon ng OTW na gaganapin sa lahat ng timezone. Sumali mula 23:00 UTC ng ika-14 ng Pebrero hanggang sa 05:00 UTC ng ika-16 ng Pebrero para magbahagi ng mga hangang-katha, makilahok sa mga paligsahang pang-trivia, o maglaro ng Cards Against Humanity. Baka manalo ka pa ng premyo! Ipapaskil namin ang detalyadong iskedyul pagsapit ng ika-15 ng Pebrero sa pinakamaaagang timezone.

Ngayong naipakita na namin ang aming mga plano, ipakita niyo rin ang inyong planong pang-fandom para sa IFD. Maaaring mag-iwan ng komentaryo rito o kaya’y mag-iwan ng kawing kung naipaskil niyo na ito sa kung saanman!

Ang balitang ito ay isinalin ng mga boluntaryong tagasalin ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon ukol sa aming gawain, maaring tumungo sa pahina para sa Pagsasalin sa transformativeworks.org.